Ang Swerte Ko Pa Pala (Mga Estudyanteng Nagsisikap)
Napanood ko sa telebisyon ang isang dokyumentaryo tungkol sa mga bata na may mga mahihirap na pamilya at naghihikapos na makapagtapos sa kanilang pag-aaral. Ipinakita sa dokyumentaryong ito kung paano sila bumibiyahe mula sa kanilang mga tahanan patungo sa kanilang eskwelahan. Sinubaybayan ng tagapamahayag ang kanilang biyahe, at inamin din niya mismo na nahirapan siya. Sino ba naman ang hindi maghihirap sa mahigit isang oras na pag-upo sa bangka at lumaot sa karagatan patungo sa isang isla na may paaralan. Di natin maipagkakaila ang malaking posibilidad na maari silang matangay ng alon at malunod dahil sa lakas nito. Pag dating naman sa eskwelahan ay haharapin naman ng estudyante ang pagsugod sa baha na halos umabot na sa tuhod na palaging nadoroon may ulan man o wala.
Pansamantalang ginaganap ang mga klase at pagtuturo sa isang maliit simbahan sapagkat ang eskwelahan ay pangkasalukuyan pang ginagawa. Masikip ang unang daing na maririnig mo kung kakausapin mo ang isang estudyante sapagkat mula elementarya hanggang mataas na paaralan ay doon ginaganap ang mga klase. Ngunit sa kabila ng paghihirap na ito na kanilang dinaranas araw-araw ay nagawa pa nilang ganahan na mag-aral. Tila madaming estudyante ang patuloy na pumapasok sa pag-aasa na sila ay makakapagtapos at makapagbigay ng magandang buhay.
Saludo ako sa mga estudyanteng ito, dahil sa kabila ng kahirapan ay pinipilit nilang pumasok sa eskwelahan. Sa pagpapanood ko ng dokyumentaryong ito ay muli nanamang sumagap sa isipan ko na ang swerte ko pa pala.
Narito ako, nagrereklamo pa sa tuwing nagcocommute pauwi ng bahay at papunta ng eskwelahan. Nariyan naman sila, mukang hindi pa sapat ang pamasahe para makauwi.
Narito ako, umaasa na magkaroon ng sasakyan. Nariyan sila, mukang hindi pa nakakasakay sa isang sasakyan. Kung nakasakay man sila, marahil bilang lamang ang dami ng beses na to sa kanilang mga kamay.
Narito ako, umaangal sa tuwing mauulanan habang umuuwi. Nariyan sila, ginagamit ang katawan nila para hindi mabasa ang mga notebook at libro na dala-dala.
Narito ako, tinatamasa ang magandang buhay buhat ng kagandahan na dulot ng pribadong edukasyon. Nariyan sila, iilan lang ang makakapagtapos ng pag-aaral.
Narito ako, nagrereklamo sa perang nakukuha ko para sa aking baon. Nariyan sila, walang baon.
Narito ako, iniisip kung ano ang damit na susuotin bukas. Nariyan sila, walang mapapagpilian na damit na isusuot.
Narito ako, nagrereklamo pag naiinitan habang nag-aaral. Nariyan sila, nagsisiksikan sa isang maliit na pook para makapag-aral.
Isa ako sa mga batang Pilipino na tinatamasa ang magandang buhay na dulot ng pagkakaroon ng higit pa sa sapat na pera para mabuhay. Hindi kami mayaman katulad ng iniisip mo ngunit masasabi ko na kumpara sa kanila, napakaswerte kong nilalang. Hindi ko nararanasan ang kanilang mga nararanasan, ngunit ang makita ang mga kababayan ko na ganoon ang sinasapit ay hindi ko maiwasan na maisip na ANG SWERTE KO PA PALA.
Ikaw na nag-iinternet? tulad ko… SWERTE KA DIN. L
0 Comments:
Post a Comment
<< Home