Naranasan mo na ba ang malapitan ng isang kawawa, madungis, at mabahong bata na umaawit ng isang himig pang-pasko at hinihingan ka ng kakaunting barya? Tila iyan ang aking nararanasan tuwing tuwing buwan ng Disyembre mula noong natuto akong bumiyahe sa pamamagitan ng pagsakay ng mga jeep.
Sa inaraw-araw na paglalakad ko sa mga kalye ng Maynila ay nararanasan ko mahingan ng barya ng isang madusing bata na may kaawaawang muka. Sa tingin niyo, ano kaya kalagayan ng mga pasko nila?
Ang selebrasyon tuwing pasko ayon sa kultura ng mga Pilipino ay isang selebrasyon na kung saan kumpleto ang pamilya at sama-sama silang kumakain at nagsasaya. Ito rin ang ipinapahayag ng mga patalastas sa telebisyon. Sa madaling salita, masaya at kaayaaya ang pasko ng isang pamilyang Pilipino, iyan ang ating nakikita at nababalitaan natin kapag nagkakatanungan, "kamusta ang pasko mo, kaibigan?"
Sa ating kultura, kailangan maghanda ng masasarap na pagkain tuwing pasko. Subalit, paano naman ang mga kababayan natin na walang makain? Paano na lamang ang pasko nila? Natutupad parin ba ang tradisyon natin tuwing pasko sa mga taong naghihirap at nagdurusa?
Magagawa mo bang yakapin ang isang madusing na bata at sabihan siyang, "maligayang pasko!"? o patuloy tayong magiging bulag sa tuwing masisilayan natin sila?
Maligayang Pasko sa inyong lahat!
Gusto ko pasalamatan si Igoy, ang batang walang saplot sa itaas na kumanta sakin ng "Nang pasko ay sumapit" habang nag-aantay ako sa aking kaibigan sa may Sta. Mesa. Siya ang nagbukas ng pikit kong mata sa katotohanan na madaming nalulungkot at naghihirap kahit na pasko.